Mga aktibidad para sa pista sa lungsod ng Lipa at Batangas, ipinagpaliban dahil sa pag-aalboroto ng Bulkang Taal

ABS-CBN News

Posted at Jan 15 2020 01:11 AM

MAYNILA - Ipinagpaliban muna ng mga lokal na pamahalaan ng Batangas City at Lipa City ang mga aktibidad para sa pista ng mga lungsod kasunod ng pag-aalboroto ng Bulkang Taal.

Sa pahayag ni Batangas City Mayor Beverley Dimacuha, kanselado ang lahat ng selebrasyon para sa pista ng lungsod, kabilang na ang Bb. Lungsod ng Batangas Pageant na gaganapin dapat sa ika-15 ng Enero, at ang parada para sa pista sa Enero 16.

Ayon pa kay Dimacuha, sa halip na gumastos para sa pista, pagtutuunan na lamang ng pansin ng lokal na pamahalaan ang pagtulong sa mga residenteng apektado ng pagsabog ng bulkan.

Hinikayat rin ng alkalde ang mga residente ng Batangas City na ilaan na lamang bilang donasyon sa mga nangangailangan ang kanilang gagastusin para sa pista.

Samantala, inanunsiyo na rin ni Lipa City Mayor Eric Africa na ipagpapaliban muna ng lokal na pamahalaan ang lahat ng aktibidad na may kaugnayan sa pista ng lungsod.

Ito umano ay para masiguro ang kaligtasan ng mga residente, lalo nasa state of calamity ang buong lalawigan ng Batangas.

Dagdag pa ni Africa, hindi umano magandang nagsasaya ang mga residente ng Lipa habang nagdurusa ang mga apektado ng pagsabog ng bulkan.

Humingi rin ng pag-unawa ang alkalde dahil uunahin muna umano ng lokal na pamahalaan ang pagtulong sa mga apektadong residente na mula sa ibang bayan na kinupkop ng lungsod.

Sa Enero 16 ang pista ng lungsod ng Batangas, habang sa Enero 19 at 20 naman ang pista ng lungsod ng Lipa.

Kapwa tumanggap ng mga bakwit mula sa iba't ibang bayan ng Batangas ang dalawang lungsod.