Lalaking suspek sa 'pananaksak' sa Pateros, arestado

ABS-CBN News

Posted at Jan 15 2020 07:45 AM

Timbog sa follow-up operation ng Pateros Police Station Martes ng gabi ang 28 anyos na suspek umano sa pananaksak sa 16 anyos na lalaki sa Pateros. 

Ayon kay Police Col. Simnar Gran ng Pateros Police Station, nakita ng mga operatiba sa Kawayanan, Barangay Tuktukan, Taguig ang suspek na si alyas Kier. 

Bukod sa binatilyong napatay na si alyas Rey, sugatan din sa pananaksak noong Lunes sa Barangay Sta. Ana Pateros ang 20 anyos nitong kasamahan na si alyas Alex.

Sa ngayon, pinaghahanap pa ang isa pang suspek na si alyas "Jeje."

Ayon kay Police Staff Sgt. Mark Anthony Tayaban, nag-ugat ang pananaksak nang batuhin umano ng bote ni Jeje ang kapatid ni Alex na si alyas Allan. 

Nang komprontahin nina Allan, Alex at Rey si Jeje sa Flores street De Borja Compound, kasama nito si Kier. 

May dalang kutsilyo si Jeje na kinuha ni Kier at unang sinugod si Alex. 

Kasunod namang pinagsasaksak ang binatilyong si Rey na hindi na umabot nang buhay sa ospital. 

Mahaharap sa kasong murder si Kier. -Ulat ni Anjo Bagaoisan, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.