Health spox duda sa paggamit ng bra, diaper bilang face mask alternative

ABS-CBN News

Posted at Jan 15 2020 05:33 PM

Hangga't maaari ay iwasan ang paggamit ng mga diaper at bra bilang alternatibo sa N95 mask na pamproteksiyon sa abong ibinubuga ng bulkang Taal, sabi ngayong Miyerkoles ng tagapagsalita ng Department of Health (DOH).

Ayon kay Health Spokesperson Eric Domingo, duda siya sa paggamit ng diaper, bra at maging ng mga sanitary napkin bilang alternatibo sa mga face mask lalo at hindi tiyak kung saang materyales gawa ang mga ito at kung makahihinga ba ang taong gagamit nito.

"Hindi natin alam kung breathable siya. Hindi kasi pare-pareho, iba-iba ang specifications," ani Domingo sa panayam ng ABS-CBN News.

"Siguro ito, mga last resort na natin kung talagang emergency at wala ka nang mahahablot o mahahawakan," dagdag niya.

Ilan sa mga maaaring gamiting alternatibo sa N-95 mask ay ang surgical mask, dust mask, scooter mask o kahit iyong tinahing face mask.

Puwede ring gamiting pantakip sa ilong ang mga panyo, bandana, bimpo, tuwaliya, sando, o T-shirt. Puwede rin daw basain nang kaunti ang mga ito para magkaroon ng humidifier para maibsan ang panunuyo ng ilong, bibig at lalamunan.

Nasa 10,000 N-95 masks na ang naipamigay ng DOH sa mga apektadong lugar pero dadagdagan pa raw nila ito sa mga susunod na araw.

May 260,000 surgical masks namang naipamigay na ang ahensiya.

-- Ulat ni Apples Jalandoni, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.