Davao City nagpadala ng tulong para sa mga apektado ng pagputok ng bulkang Taal

ABS-CBN News

Posted at Jan 15 2020 11:36 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

DAVAO CITY - Bumiyahe ang 8 truck na may kargang relief goods Miyerkoles ng umaga mula sa Santa Ana Wharf sa Davao City upang magbigay ng tulong sa mga apektado ng pagputok ng bulkang Taal.

Ayon kay Task Force (TF) Davao Commander Col. Consolito Yecla, hindi hadlang ang layo ng mga naapektuhan ng pagputok ng bulkang Taal para abutan sila ng tulong. 

"We will be sending a strong message to the eruption victims in Taal that the distance, yung layo and the cost is not a problem with us. Gagawin natin ang lahat para makatulong sa kanila. We should give them hope," ani Yecla.

Karga ng mga truck ang 8,000 family food packs na may lamang bigas, canned goods, banig, kumot, hygiene kits, at face mask.

Ipapamahagi ito sa mga bayan ng Calaca, Tanauan, Santo Tomas sa Batangas at sa Tagaytay City na labis na naapektuhan ng pagputok ng bulkang Taal.

Inaasahang darating ang convoy sa Batangas madaling araw ng Enero 17 at babalik sa Davao ng Enero 20.

Patuloy na tumatanggap ang TF Davao ng mga donasyon para sa mga apektadong residente ng buklang Taal. -Ulat ni Andoreena Acasio Causon, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.