ALAMIN: Ligtas pa bang kainin ang tilapia, iba pang isda mula Taal Lake

ABS-CBN News

Posted at Jan 15 2020 02:54 PM | Updated as of Jan 15 2020 08:43 PM

Pabalik na ng pampang ang mga mangingisda matapos tingnan ang kanilang mga fish farm sa Taal Lake sa bayan ng Talisay, Batangas noong Enero 13, 2020. George Calvelo, ABS-CBN News

MAYNILA (UPDATE) — Nagbabala ngayong Miyerkoles ang tagapagsalita ng Department of Agriculture (DA) sa publiko na huwag munang kumain ng tilapia galing sa Taal Lake sa harap ng patuloy na paghuli ng mga isda sa lawa.

Ayon kay Agriculture Spokesperson Noel Reyes, pinapa-testing ng ahensiya ang kalidad ng tubig mula sa lawa para makita kung ligtas bang kainin ang mga isda, gaya ng tilapia at tawilis, na nahuhuli rito.

Watch more in iWant or TFC.tv

"Nagpapa-sample na si [Agriculture] Secretary [William Dar] through [Bureau of Fisheries and Aquatic Resources] sa ibang location sa Taal Lake. Water quality at sulfur content ng water to determine kung safe ba ang tilapia o tawilis," ani Reyes.

"Hindi natin sila mapigilan pero di natin alam, dapat ma-determine kung safe ang tilapia, kung hindi, hintayin natin ang advisory ng BFAR kung ano ang level ng sulfur ng water... Let's err on the cautious side," dagdag niya. 

Ligtas naman daw kainin ang tilapia mula sa ibang lugar tulad ng Bulacan at Pampanga.

Pero sa pag-iikot sa mga palengke sa Maynila, lumabas na nagmahal na ang presyo ng tilapia mula sa ibang mga lugar.

Sa Balintawak Market sa Quezon City, halimbawa, umakyat sa P140 ang presyo ng kada kilo ng tilapia mula P120.

Watch more in iWant or TFC.tv

 TULOY SA PAGHULI NG MGA ISDA

Samantala, sa kabila ng panganib na dulot ng pag-alboroto ng bulkang Taal, patuloy ang pagpunta ng mga magtitilapia sa lawa para hulihin at alagaan ang mga isda.

Kasunod din ng pagsabog ng bulkan, may mga naglutangang mga patay na isda sa Taal Lake.

Posibleng nahirapang makahinga ang mga isda dahil sa dami ng abong humalo sa tubig, ayon sa Phivolcs.

Nauna na ring nagbabala ang Department of Health (DOH) sa pagkain ng mga isda galing sa Taal Lake.

Kapag nakakain ang isang tao ng isda mula Taal Lake, maaari siyang ma-food poisoning, at makaranas ng pagsusuka, pagtatae, at pananakit ng tiyan, ayon sa DOH.

-- Ulat nina Jasmin Romero at Jeffrey Hernaez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.