Trillanes humarap sa Davao court sa kasong libelo

ABS-CBN News

Posted at Jan 15 2019 03:07 PM | Updated as of Jan 15 2019 09:00 PM

Senador Antonio Trillanes IV. ABS-CBN News file photo

Hiling ng DOJ na hold departure order kontra Trillanes ibinasura 

Naghain ng “not guilty” plea si Senador Antonio Trillanes, na masugid na kritiko ng administrasyon, kay Duterte sa isinagawang arraignment sa kasong libelo sa Davao City Regional Trial Court Branch 54 nitong Martes. 

Kaugnay ito ng apat na libel case na isinampa ni presidential son at dating Davao City Vice Mayor Paolo Duterte, at ang bayaw nitong si Atty. Manases Carpio nang pagbintangan umano ang mga ito ni Trillanes ng korupsiyon. 

Malapit na mag-alas-6 ng umaga nang makarating si Trillanes sa Francisco Bangoy International airport, at nakarating ng korte pasado alas-8 ng umaga. 

Watch more in iWant or TFC.tv

Ayon kay Trillanes, pinili niyang magpa-arraign sa siyudad para ipakita ang kanyang pagrespeto sa awtoridad at hurisdiksyon ng korte at ipakitang hindi niya tinatakbuhan ang mga kasong inihaharap sa kaniya. 

Iginiit ng senador na puro harassment case lang ang isinampa laban sa kanya. 

"Mga harassment cases lang po ito talaga, just to inconvenience me, para ma-distract ako. Pero di ako madi-distract, I will continue with my mandate as a member of the opposition," aniya. 

Ito rin ang unang pagkakataong nakatuntong si Trillanes sa lungsod matapos siyang ideklarang persona non grata ng Davao City Council noong Pebrero 2018 matapos niyang bansagan umano ang Davao City na “the most dangerous city in the Philippines.”

Kasabay nito, ibinasura ng nasabing korte ang hiling ng Department of Justice (DOJ) na huwag payagan ang mga international trip ng senador. 

Katuwiran ng kautusang pinirmahan ni Davao RTC 54 Presiding Judge Melinda Dayanghirang na planado na ang mga biyahe bago pa man naisampa ang kaso sa kanilang korte at hindi naman daw "flight risk" ang sitwasyon ng senador kasabay ng boluntaryong pagsuko nito. 

Sa kanyang social media post, tinawag ni Duterte si Trillanes na “pathological liar” kasabay ng pagdating ng senador sa Davao City.

Dagdag pa niya, ngayon ang umpisa ng pagkamit nila ng hustisya dahil sa mga umano'y kasinungalingan ni Trillanes. 

 

Bukod sa mga kasong ikinahaharap sa Davao court, si Trillanes ay may nakabinbing kasong rebelyon sa Makati RTC Branch 150 at pansamantala lamang nakalaya matapos magpiyansa ng P200,000.

Magugunitang pinawalangbisa ng Malacañang ang amnestiyang ipinagkaloob ng gobyerno noong 2010 kay Trillanes, na noo'y humaharap sa mga kasong kudeta at sedisyon dahil sa Oakwood mutiny noong 2003 at Manila Peninsula incident noong 2007.

-- May ulat nina Vina Araneta at Mike Navallo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.