Residential area sa Iloilo City, nasunog

Regi Adosto, ABS-CBN News

Posted at Jan 15 2019 09:20 AM

Gawa umano sa light materials ang mga bahay na nasunog sa Barangay Taal, Molo sa Iloilo City.

ILOILO CITY – Inaalam pa ng awtoridad kung ano ang naging dahilan ng sunog na tumupok sa tinatayang 50 mga bahay sa lungsod na ito, Lunes ng gabi.

Ang kabuuang bilang ng nasunog na mga bahay sa Barangay Taal, Molo ay kasalukuyang bineberipika pa rin.

Ayon sa ulat, sumiklab ang apoy pasado alas-9 ng gabi at mabilis na kumalat dahil sa malakas na ihip ng hangin.

Paliwanag ng Bureau of Fire Protection, gawa sa light materials ang mga bahay kaya mabilis na kumalat ang apoy.

Nahirapan din makapasok sa lugar ang mga bumbero. Nagdeklara ang BFP ng fire under control pasado alas-11 na ng gabi.

Kasalukuyang nasa Iloilo City National High School ang nasunugang mga residente.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.