Misis sa Maldives honeymoon tragedy, breadwinner ng pamilya

ABS-CBN News

Posted at Jan 15 2019 08:44 PM

Photo by NQ Modern Photography

Ipinagdiwang ni Gloria Callado noong Sabado ang kaniyang ika-50 kaarawan.

Hiling daw niya noon na mabiyayaan ng apo sa anak na si Erika at sa manugang na si Leomer Lagradilla.

Watch more in iWantTFC

Pero ngayon, ipinagdadasal na lamang ni Gloria na muling mahagkan ang dalawa matapos masawi sa pagkalunod ang mga ito noong Linggo habang nagha-honeymoon sa Maldives.

Kuwento pa ni Gloria, si Erika ang "breadwinner" o tagapagtaguyod sa kanilang pamilya.

"Ang anak kong si Erika, siya lang ang sumusuporta sa amin, siya lang ang bumubuhay sa amin," sabi ni Gloria.

Ikinasal sa Pilipinas noong Disyembre 18 ang high school sweethearts na sina Leomer at Erika, at umalis papuntang Singapore noong Disyembre 28. Mula doon ay lumipad pa-Maldives ang dalawa nitong Enero para sa kanilang honeymoon.

Pilit namang binibigyan ng katuturan ng ama ni Leomer na si Leo ang nangyari.

Ayon kay Leo, sa Japan daw kasi ang orihinal na destinasyon ng honeymoon ng dalawa pero na-deny daw ang visa ni Erika.

"Ano'ng nangyari sa anak ko at kay Erika?" ani Leo.

"Tinatanong ko sila bakit, bakit kailangan mangyari? Sabi nila, may plano si Lord," sabi niya.

TULONG NG DFA

Nangako ng Department of Foreign Affairs kina Leo at Gloria na maiuuwi ang labi ng mga anak at sasagutin ang P1.2 milyon gastos.

"He (Foreign Affairs Secretary Teodoro Locsin Jr.) gave his assurance that the Philippine government will shoulder the cost of bringing the two of our kababayans home," ani Foreign Affairs Assistant Secretary Elmer Cato.

Nakikipag-ugnayan na rin ang pamilya sa mga pulis para sa imbestigasyon.

Kausap na rin ng pamilya ang Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) at mga kompanyang pinagtatrabahuhan ng mag-asawa -- na parehong nurse sa ibang bansa -- para sa mga makukuhang benepisyo.

Hinihintay pa ng pamilya ang feedback mula sa hotel sa Maldives.

Inihinto na rin muna ang fundraising ng mga kaibigan ng mag-asawa.

--Ulat ni Kevin Manalo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.