Mga armas at droga nasamsam sa checkpoint, 9 arestado

Berchan Louie Angchay, ABS-CBN News

Posted at Jan 15 2019 09:57 AM

Bukod sa drogang nagkakahalaga ng P660,000 nahulihan rin ang siyam na suspek ng apat na mga baril. Berchan Louie Angchay, ABS-CBN News

DAVAO CITY – Siyam katao ang arestado matapos na mahulihan ng hinihinalang shabu at baril sa checkpoint sa lungsod na ito, Lunes ng gabi.

Ang mga suspek ay sakay ng isang pick-up at SUV na hinarang ng awtoridad sa checkpoint sa Maharlika Highway, Kilometer 25, Bunawan, pasado alas-8 ng gabi.

Dinakip ang subject ng buy-bust na si Loueje Roxas, kung saan unang naisagawa ang pagbebenta ng umano'y droga sa Samal.

Arestado rin ang 8 pa nitong kasamahan sa trabaho matapos makitaan ng mga sachet ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P660,000.

Nakarekober din ng 4 na mga baril at halos 30 mga bala at pera sa loob ng kanilang sasakyan.

Sa imbestigasyon, planong ipuslit ng mga suspek ang droga papunta sa Santo Tomas, Davao Del Norte.

Sabi ni Chief Inspector Milgrace Driz, hepe ng Davao City Criminal Investigation and Detection Group (CIDG), agad silang nagsagawa ng checkpoint matapos mag-tip ang nagpanggap na buyer na papuntang Santo Tomas, Davao Del Norte ang mga suspek dala ang mga droga at armas.

Depensa ni Roxas at mga kasamahan nito na pang protekta lamang nila ang mga nakuhang armas sa kanilang trabaho sa sagingan sa Davao del Norte.

Giit niyang may lisensiya ang kanilang armas at hindi droga ang ipinunta nila sa Samal kung ‘di ang bumili ng mga manok.

Itinanggi rin nilang sa kanila ang nakuhang droga.

Pero giit ng Davao City CIDG na sangkot ang grupo sa gun-for-hire at gun running sa Compostela Valley at Davao del Norte.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.