Lalaki timbog sa 'panggagahasa' sa high school student

ABS-CBN News

Posted at Jan 15 2019 08:24 PM

Watch more in iWantTFC

Inaresto ng pulisya sa Maynila noong Lunes ang isang lalaking college student dahil sa umano ay panggagahasa sa isang babaeng high school student. 

Dinampot ng mga operatiba ng Manila Police District (MPD) sa entrapment operation sa Sampaloc district ang suspek na si Mervin Ronato, 28 anyos. 

Sa reklamo sa Women and Children Protection Desk ng MPD, ikinuwento ng 18 anyos na biktima na lumapit lang sa kaniya ang suspek habang naglalakad siya sa labas ng kanilang eskuwelahan noong Nobyembre.

Tinutukan daw ng suspek ng kutsilyo ang biktima at isinama sa dormitoryo niya, kung saan may pinainom daw sa kaniya bago siya hinalay.

Sinabi ng biktima na alam daw niya na malaswa ang ginagawa sa kaniya ni Ronato pero hindi raw siya makakilos dahil sa ipinainom sa kaniya.

Hindi rin nagawang magsumbong noon ng biktima sa mga magulang at pulis dahil sa pananakot umano ng suspek.

Matapos ang insidente, ilang beses ding inabangan ng suspek ang biktima sa eskuwelahan nito.

Muling hinalay ni Ronato ang biktima matapos takutin na ikakalat sa social media ang mga hubad nitong video.

Itinanggi naman ng suspek ang mga paratang ng biktima, na ngayon ay dalawang buwang buntis kay Ronato.

Mahaharap sa kasong rape si Ronato.

Isasailalim naman sa counseling ang biktima.

--Ulat ni Zyann Ambrosio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.