Kagawad sa North Cotabato, arestado sa paglabag umano sa gun ban

Cheche Diabordo, ABS-CBN News

Posted at Jan 15 2019 08:05 PM

DAVAO CITY—Nasakote sa checkpoint ng Calinan Police Station at Task Force Davao ang tatlong lalaki at isang babae matapos makuhanan ng mga bala at armas.

Martes ng umaga nang dumaan sa checkpoint sa Barangay Lacson sa distrito ng Calinan ang barangay kagawad sa bayan ng Magpet, North Cotabato, na kinilalang si Analiza Arquillano at mga kasamahang sina George Arquillano, Reynan Adame at Arnel Repollo.

Sakay ng isang pickup ang mga suspek.

Narekober sa kanila ang dalawang hand grenade, isang .45 caliber pistol na may 73 na mga bala, at limang magazine.

Nakuha rin sa kanila ang isang 9-mm pistol na may 64 na mga bala at dalawang magazine, at isang caliber 30 M2 Carbine na may 99 na mga bala at mga magazine.

" 'Yung .45 caliber pistol may papeles pero expired na. Ang iba walang papeles at wala rin silang exemption mula sa Comelec," ayon kay Chief Inspector Arquimedez Wesley.

Haharap sa kasong paglabag sa Republic Act 10591 o ang Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act, at election gun ban ang mga suspek.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.