Drug suspect, patay matapos manlaban sa mga pulis sa Surigao City

Richmond Hinayon, ABS-CBN News

Posted at Jan 15 2019 04:42 PM

SURIGAO CITY - Patay ang isang drug suspect matapos itong manlaban sa mga pulis sa isinagawang buy-bust operation sa lungsod na ito Lunes ng hapon.

Ayon sa pulisya, nakabili ang kanilang ahente ng isang pakete ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P1,000 mula sa mga suspek.

Nang matunugan nina Jerry Villanueva at Rico Congje na pulis pala ang kanilang ka-transaksiyon, agad na nagpaputok ng baril ang dalawa.

Gumanti umano ng putok ang mga pulis at napatay ang drug suspect na si Villanueva.

Nakatakas naman ang kasama nitong si Congje habang nahuli ang isa pang kasama nila na si William Bando alyas Opaw.

Narekober ang limang sachet ng hinihinalang shabu sa napatay na drug suspect at isang kalibre .45 at mga bala. Dalawang sachet naman ang nakuha kay Bando.

Kilala umanong mga drug courier at gun for hire sa Surigao City at sa mga karatig bayan ang grupo ni Villanueva.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.