'Trip cutting,' talamak sa mga 'bulok' na PUV para iwas-huli

ABS-CBN News

Posted at Jan 15 2018 11:47 PM | Updated as of Mar 20 2019 05:30 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Naging talamak ang "trip cutting" sa mga pampasaherong sasakyan para maiwasang mahuli sa ilalim ng "Oplan Tanggal Bulok, Tanggal Usok," ayon sa Inter-Agency Council on Traffic (I-ACT).

"'Pag alam nilang nandiyan na si I-ACT, ginagawa nila pinuputol nila 'yong biyahe kaya ang masakit dito yung mga kababayan natin naglalakad," pahayag ni I-ACT communications head Elmer Argaño.

Nitong Lunes, humataw muli ang I-ACT sa pagsita sa mga tsuper at operator ng halos gutay-gutay nang sasakyan na pumapasada pa rin.

Bandang tanghali, higit 100 na ang nahuli.

Pero napansin ng I-ACT na mas kaunti ang mga bumabiyaheng karag-karag, dispalinghado ang mga bahagi, at kalbo ang gulong.

Ikinatuwa ng I-ACT na kahit papaano'y may sumunod sa patakaran at pinagawa ang kanilang mga sasakyan.

"Mukha pong may mga nag-ko-comply dahil may iba kaming nakita bago ang gulong, pero 'yon, po marami kaming balita na nagtatago, ayaw lumabas," ani Argaño.

Ang ibang sasakyan ay hindi muna bumiyahe para ipasuri ang kanilang sasakyan.

Bagaman sang-ayon sa bagong kampanya kontra bulok na sasakyan, hindi naman ikinatuwa ng mga apektadong pasahero ang cutting trip.

"Sumakay kami sa ibang sasakyan ... siyempre abala," anang isang pasahero.

"Lilipat siguro ng ibang jeep na lang," sabi naman ng pasaherong si Rose Macapagal.

Handa naman ang I-ACT sa plano ng mga kumokontrang tsuper sa "Oplan Tanggal Bulok, Tanggal Usok" na balak mag-rally sa mga lugar kung saan nanghuhuli ang I-ACT.

Kabilang dito ang pag-deploy ng "flying squad" o iyong mag-o-operate ng walang pasabi at wala sa iskedyul ng operasyon.

Nasa 75 hanggang 80 porsiyento ng mga jeep ang umano'y bulok at mausok. 

Bukod sa mga jeep, marami ring nahuling naka-motorsiklo nitong Lunes, karaniwan dahil sa pagsuot ng hindi akmang helmet.

Pinaghahandaan na rin ng I-ACT na tapatan ang welga na ikinakasa ng transport group na Piston laban sa kanilang kampanya.

-- Ulat ni Doris Bigornia, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.