PANOORIN: Mag-lolong inanod ng baha, nasagip

ABS-CBN News

Posted at Jan 15 2018 11:05 PM | Updated as of Mar 20 2019 05:20 PM

Watch more in iWantTFC

Nakuhanan ng isang sundalo ang matinding ragasa ng tubig sa isang kalsada sa Pantar, Lanao Del Norte na resulta ng walang tigil na pag-ulan noong weekend.

Sa video ni Lieutenant Antonio Cortes noong Sabado, binaybay ng kanilang tropa ng 42nd Mechanized Company ang isang bahang kalsada sa Pantar.

Nahagip din sa video ni Cortes ang isang mag-lolong kasamang tinangay ng malakas na agos ng tubig kasunod ng pagguho ng isang bahay sa gilid ng daan.

Humampas pa ang isang lalaki sa gilid ng nakaparadang sasakyan at muntik na tumama sa gulong ng tangke nila Cortes.

Pero nakaligtas naman ang mag-lolo. 

Sa lalim at lakas ng ragasa ng tubig, marami ang na-trap sa kanilang mga sasakyan.

Nagtulungan ang mga sundalo at sibilyan para iligtas sila.

Pero nasawi pa rin ang mag-asawang Faida at Ibrahim Gumpal na inanod ng baha.

Lilikas sana ang dalawa sa takot na masira ng baha ang kanilang bahay.

Sa Iligan City, nakuhanan din ng video ni Kagawad Eduard Laranio ang pag-apaw ng tubig sa steel bridge ng Barangay Abuno.

Napansin nila ang unti-unting pagtagilid ng tulay kaya binalaan ang mga tumatawid na sasakyan.

Pero may ilang hindi nakinig kaya tuluyan isinara ang tulay.

Ipinasusuri ng pamahalaang lokal sa mga inhenyero ng lungsod ang tulay.

-- Ulat ni Roxanne Arevalo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.