Nagpakilalang CAFGU, nanutok umano ng baril

Bonna Pamplona, ABS-CBN News

Posted at Jan 15 2018 03:58 PM | Updated as of Jan 15 2018 05:03 PM

DAVAO CITY- Sa kulungan ang bagsak ng isang lalaking nagpakilalang miyembro ng Citizen Armed Force Geographical Unit (CAFGU) matapos manutok ng baril sa isang birthday party sa bayan na ito, Linggo ng gabi.

Inireklamo ng mga biktima na sina John Russel Mosquite at Dennis Yap ang suspek na si Junepher Ugnit dahil bigla na lang umano itong bumunot ng kanyang baril habang nag-iinuman sila sa isang birthday party.

Ayon kay Mosquite, nagulat nalang sila nang bigla silang tutukan ng baril ni Ugnit.

Gusto lang umanong magpasikat ni Ugnit para sabihin na matapang ito, ayon naman kay Yap.

Narecover ng mga pulis ang isang point 357 revolver at dalawang bala mula sa suspek.

At dahil walang naipakitang permit to carry outside residence ang suspek, kakasuhan ito ng illegal possession of firearms.

Pero ayon kay Ugnit, miyembro siya ng CAFGU Active Auxiliary at Intelligence Security Unit ng 72nd Infantry Battalion ng Philippine Army.

May nakuhang mission order identification ang mga pulis pero paso na ito at noong Marso 2016 pa expired.

Ayon kay Ugnit, matagal na umanong may galit sa kanya sina Mosquite at Yap at hindi totoo na tinutukan niya ito ng baril

Bukod sa kasong illegal possession of firearms, kakasuhan din si Ugnit ng grave threat.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.