Magdamagang pasada, diskarte kontra taas presyo sa krudo

ABS-CBN News

Posted at Jan 15 2018 12:16 PM | Updated as of Apr 24 2019 02:35 PM

Watch more in iWantTFC

Mula Dumaguete City, lumuwas noong nakaraang taon sa Maynila si Joenard Delazerna para maghanap ng malaking panggagalingan ng pera.

Dati siyang tsuper sa isang catering service kaya madali niya ring napasok ang pagpasada ng jeep sa Quezon City.

"Drayber din ako sa Visayas kaso nga lang, mag-a-anim na taon na ako dun, four thousand lang 'yong sahod," sabi ni Delazerna.

Dahil sa Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) law, tumaas ang presyo ng krudo kaya kinailangan ni Delazerna dagdagan ang kaniyang kayod para maabot ang P700 boundary at P500 na arawang kita.

Sa ilalim ng TRAIN, may patong na P2.50 kada litro ang diesel habang P7 kada litro naman sa gasolina mula sa P4.35 noong isang taon. 

"Dati mga alas-nuebe, garahe na, ngayong tumaas ang diesel, nagsagad na lahat," kuwento ni Delazerna.

Sobrang tipid na rin ang ginagawa ni Delazerna para mabuhay ang asawa at anak.

"Okay lang sa akin makabili ng ako ng bigas at gatas ng anak ko. Hati-hatiin ko na lang kinikta ko dito," dagdag ng tsuper.

Madaling araw hanggang gabi rin kung pumasada sa rutang City Hall-Visayas Avenue si Lito Magpusao.

Anim na taon na siyang nakikipagsapalaran sa pagbiyahe kahit putol ang kaliwang braso.

Pero kahit magpakapuyat umano siya sa biyahe, kapos pa rin ang kita.

"Talagang nahihirapan na kami kumita. Kung hindi kami magpapagabi, wala po kaming maiuuwi sa pamilya namin," ani Magpusao.

Bukod sa pagtaas ng presyo ng langis at ilang bilihin, pinangangambahan din ng mga tsuper ang itinutulak na jeepney modernization program ng pamahalaan.

"Sana makita at mapansin nila 'yong katulad namin na mga maliliit na naghahanapbuhay bilang drayber," sabi ni Magpusao.

"Huwag na lang sana matuloy 'yang phaseout kasi mahirap 'pag walang trabaho," pahayag naman ni Delazerna.

Nagkakaisa naman ang mga tsuper na kahit gaano kalubak ang kalsadang kanilang tinatahak, tuloy pa rin ang pasada ng kanilang buhay alang-alang sa kanilang pamilya.

-- Ulat ni Dennis Datu, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.