8 sasakyan, 4 na poste ng kuryente, inararo ng trak sa Baguio

Micaella Ilao, ABS-CBN News

Posted at Jan 15 2018 04:50 PM

BAGUIO CITY- Nawalan ng kuryente ang ilang bahagi ng Baguio City simula alas-10 ng gabi ng Linggo hanggang Lunes dahil sa trak ng bigas na bumangga sa apat na poste ng kuryente sa Bokawkan Road.

Apektado ang Bokawkan hanggang Barangay Legarda at Marcos Highway. Nagtiis muna sa paggamit ng generator at kandila ang mga residente.

Base sa imbestigasyon ng mga pulis, nawalan ng preno ang minamanehong trak ni Leonides Madera habang binabaybay pababa ang nasabing kalsada.

Nabangga nito ang poste ng Benguet Electric Cooperative (BENECO) saka inararo ang isang motor at pitong sasakyan na nakaparada sa gilid ng kalsada.

Aabot sa higit isang milyon ang nasirang ari-arian.

Sugatan sa insidente ang drayber na kasalukuyang nagpapagaling sa ospital at dalawa nitong pahinante.

Posibleng maharap sa reklamong reckless imprudence resulting in damage to property and multiple physical injuries si Madera.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.