3 sugatan sa sunog sa Mandaluyong

ABS-CBN News

Posted at Jan 15 2018 11:37 AM

Tatlo ang sugatan habang 30 bahay ang naabo sa sunog sa Barangay Addition Hills, Mandaluyong City nitong Linggo ng gabi.

Umabot sa ikatlong alarma ang sunog na nagmula sa isang junk shop na puno ng mga "highly-combustible material" o materyal na madaling masunog tulad ng plastik at dyaryo.

Mabilis kumalat ang apoy na lumamon sa nasa 30 tirahan.

Ayon sa Bureau of Fire Protection (BFP), tatlong residente ang nasugatan sa insidente.

Nasa P200,000 naman ang kabuuang halaga ng mga natupok na ari-arian.

Pansamantalang nanunuluyan ang mga nasunugan sa mga evacuation center.

-- Ulat ni Ernie Manio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.