21 SSS officials kinasuhan sa Ombudsman

ABS-CBN News

Posted at Jan 15 2018 02:51 PM | Updated as of Jan 15 2018 03:14 PM

MANILA - Kinasuhan ni Social Security System commissioner Pompee La Viña sa Office of the Ombudsman ang 21 matataas na opisyal ng kaniyang ahensya ngayong Lunes. 

Dawit si SSS Executive Vice President Rizaldy Capulong sa asuntong nakaugat sa maanomalya umanong paggawad ng media contracts na nagkakahalaga ng P145 milyon noong 2016 at 2017. 

Pinaboran umano nina Capulong ang mga kumpanyang nakasulot sa 235 media contracts nang hindi dumadaan sa procurement process, paratang ni La Viña. 

Simpahan ni La Viña ng serious dishonesty, grave misconduct, gross neglect at paglabag sa procurement law sina Capulong, 2 senior vice presidents, 6 na vice presidents at ilang department managers. 

Dagdag ni La Viña, hihilingin niya sa Ombudsman na maglabas ng preventive suspension at kalauna'y dismissal order laban sa mga naturang opsiyal. 

Nanawagan din niya sa mga opisyal na magbitiw na lang sa puwesto. 

Si La Viña ang chairman ng SSS Investment Oversight Committee. Una na niyang kinasuhan si Capulong kaugnay ng umano'y insider trading sa stock market. 

Maliban sa administrative case, naghahanda rin si La Viña ng kasong kriminal laban sa grupo ni Capulong. Ulat ni Joyce Balancio, ABS-CBN News 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.