12,000 inilikas mula sa pag-aalburuto ng Mayon

ABS-CBN News

Posted at Jan 15 2018 12:53 PM

MANILA - Umabot na sa 3,061 pamilya o 12,044 katao ang inilikas dahil sa pag-aalburuto ng Bulkang Mayon, sinabi ng National Disaster Risk Reduction and Management Council ngayong Lunes 

Kabilang sa mga inilikas ang mga residente mula sa bayan ng Camalig, Guinobatan at Malilipot na nasa paanan ng Mayon, sinabi sa mga reporter ni NDRRMC spokesperson Romina Marasigan. 

Magkakaroon din aniya ng forced evacuation sa bayan ng Daraga at Legazpi, na apektado ng lava flow. 

Gumuho ang isang lava dome ng Mayon nitong Lunes, dahilan para magkaroon ng landfall sa ilang bayan sa Albay province. 

Nitong weekend, 3 beses na nagbuga ng usok at abo ang bulkan, dahilan para ilagay ito sa ilalim ng Alert Level 3.

Ang level 3 ay nangangahulugang maaaring magkaroon ng "hazardous eruptions" ang bulkan sa mga susunod na linggo o araw, ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology. 

Idinideklara naman ang pinakamataas na alerto, Level 5, kapag sumabog na ang bulkan. Ulat ni Henry Atuelan, ABS-CBN News 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.