Buntis, patay matapos mabunggo ng bus sa Camarines Sur

Mylce Mella, ABS-CBN News

Posted at Jan 15 2017 06:55 PM

Buntis, patay matapos mabunggo ng bus sa Camarines Sur 1
Photo courtesy of Iriga City Police

IRIGA CITY - Dead on the spot ang mag live-in partner na Daniel Daprosa at Angelica Olaso nang mabangga ng Amihan Bus ang sinasakyan nilang motorsiklo.

Nangyari ito Barangay San Isidro, Iriga City, Linggo ng madaling araw.

Nasa ospital at sugatan naman ang 12 taong gulang na kapatid ni Olaso na kasama niyang backrider.

Masakit sa tatay ni Daprosa na si Danilo ang pagkamatay ng kanyang anak na nagdidiwang ng ika-18 taon na kaarawan ng mismong araw na 'yun. 

Bibili lang sana umano ang mga ito ng tinapay.

Dagdag pang sakit ang pagkawala ng kanyang apo na siyam na buwan nang ipinagdadalang tao ni Olaso.

“Pinagtakpan lang 'yung babae, labas na 'yung katawan wala man lang nagmalasakit na mag-alsa (bumuhat), dinala sa ospital baka nakasalbar (nakasalba) pa 'yung bata," ani Danilo.

Tiyempo na dumaan sa lugar ang off-duty na pulis kaya nahuli ang driver ng bus na si Romeo Castillo na tatlong buwan pa lang na nagtatrabaho sa Amihan Bus.

Galing Maynila, papuntang Legazpi ang kanyang minamanehong bus. Parehong papuntang sentro ng Iriga ang motorsiklo at bus.

Sa imbestigasyon ng Iriga Police, matulin ang takbo ng bus at may nakakitang nakikipag-unahan ito sa dalawa pang bus.

“Ayon sa mga nakakita, nagmamadali daw po ang tatlong bus na galing Maynila at nag-uunahan kumbaga papunta ng direksyon ng sentro (ng) Iriga City, na-sidesweep (sideswipe) itong nagmo-motor,” ani SPO3 Jane Alteza.

Wala nang planong magkaso pa ang pamilya ng mga biktima. Nais na lang nilang sagutin ng kumpanya ng bus ang mga gastusin sa ospital, pagpapalibing maging maayos ang areglo.