Quiapo Church, sarado ng 2 linggo dahil sa COVID-19

Jekki Pascual, ABS-CBN News

Posted at Jan 14 2022 08:20 AM | Updated as of Jan 14 2022 08:34 AM

MANILA -- Sarado muli ang Minor Basilica of the Black Nazarene o Quiapo Church sa Maynila.

Ayon sa Parish Priest na si Msgr. Hernando Coronel, sarado ang simbahan pati na rin ang mga opisina ng parokya mula January 13 hanggang 26 ngayong taon.

Ito'y dahil sa tumataas na bilang ng mga kaso ng COVID-19 sa Metro Manila. Sa dalawang linggong pagkasara, magsasagawa ang simbahan ng disinfection at intensive sanitation sa simbahan at sa mga opisina.

Lahat aniya ng mga aktibidad ng parokya para sa publiko ay suspendido muna ng dalawang linggo. Pero tuloy pa rin ang online mass na mapapanood ng mga deboto sa Facebook account ng Quiapo Church.

Halos buong buwan ng Enero ay sarado ang simbahan dahil ipinagbawal rin ang mga prusisyon at iba pang aktibidad nitong Traslacion ng Poong Nazareno dahil sa dami ng mga nagkakasakit ng COVID-19.

 

Bukod sa Quiapo Church, maraming simbahan rin sa Archdiocese of Manila ang pansamantalang sinara dahil sa pandemya. 

Online rin muna ang pagdiriwang ng Kapistahan ng Sto. Nino de Tondo at Pandacan ngayong Linggo dahil bawal rin ang prusisyon at parada.