Mahigit P1M halaga ng shabu, nasabat sa buy bust operation sa Navotas

Lyza Aquino, ABS-CBN News

Posted at Jan 14 2022 08:59 AM

MANILA -- Timbog ang dalawang babae at isang lalaki matapos kumagat sa buy-bust operation sa Barangay North Bay Boulevard North sa Navotas nitong Huwebes. 

Batay sa paunang ulat ni Police Staff Sergeant Jaycito Ferrer ng Navotas PNP, pawang mga taga-Tondo ang mga suspek at dumarayo sa mga karatig-lungsod para magbagsak ng malalaking halaga ng ilegal na droga.

Walang trabaho ang tatlong suspek, ayon sa mga pulis. 

Gamit ang P12,000 na boodle money ay nakipagtransakyon ang pulis na nagpapanggap na buyer sa mga suspek. Nang magpositibo ang palitan ng pera at droga ay dun sila inaresto. 

Nakumpiska sa kanila ang 158 grams ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng mahigit isang milyong piso.

Mahaharap sila sa kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act.