Respondent sa Dacera case, na-'pressure' sa anggulong droga; Dacera camp, pulis tumanggi sa bintang

ABS-CBN News

Posted at Jan 14 2021 09:10 PM

Jonathan Cellona, ABS-CBN News

MAYNILA – Matapos ang preliminary investigation sa kaso ng pagkamatay ng flight attendant na si Christine Dacera, ibinulgar ng respondents na pinilit sila ng pulisya para sabihing may anggulo ng droga ang insidente.

Matatandaang sa salaysay ni JP dela Serna noong Enero 1, sinabi niya na may nakita siyang droga na inilabas mula medyas ni Mark Anthony Rosales.

Pero sa kanyang bagong affidavit, binawi niya ito ay sinabing tinakot at na-pressure lang siya ng pulis.

Sa affidavit din na iyon, sinabi niya na kasama ang pamilya Dacera sa interrogation kung saan siya na-pressure na banggitin ang anggulong droga.

Watch more in iWantTFC

Sa sobrang gulo umano ng kanilang isipan ay napapayag sila sa isinubong salaysay ng pulisya.

Pero itinanggi ng spokesperson ng pamilya Dacera na nam-pressure sila ng mga respondent at sila ay kasama sa nanggipit.

Mariin ding itinanggi ni National Capital Region Police Office (NCRPO) chief Brig. Gen. Vicente Danao na may pamimilit o panggigipit na nangyari sa mga respondents.

Babala rin ni Danao na puwedeng makasuhan ng perjury ang mga respondents dahil sila ay under oath nang pirmahan ang kanilang naunang salaysay. 

–Ulat ni Jeck Batallones, ABS-CBN News
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.