Nahuli sa Pampanga ang mga kolorum na shuttle service, kung saan ang ibang driver ay naniningil ng mataas na pasahe. Larawan mula sa Inter-Agency Council for Traffic
Walang maipakitang papeles, gaya ng contract of lease, ang nagmamaneho ng isang van na ipinatigil noong Miyerkoles ng mga tauhan ng Inter-Agency Council for Traffic (I-ACT) Special Operations Team, kasama ang mga tauhan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board at Highway Patrol Group sa may San Fernando exit sa Pampanga.
Kaya kahit mga empleyado ng iisang kompanya ang hinahatid, ilegal pa rin ang pagbiyahe ng van, ayon sa mga awtoridad.
Siyam na van at 5 kotse ang nahuli ng mga awtoridad sa anti-colorum operation noong rush hour.
"May nag-request kasi dito. Nagpadala ng report sa opisina na very rampant dito ang pangongolorum lalo na 'yong nangongontrata," ani Jose Manuel Bonnevie na namuno sa team na nagkasa ng operasyon.
"Very exorbitant daw 'yong paniningil ng driver," aniya.
May ilang taxi na P800 ang singil mula San Fernando papuntang Metro Manila habang aabot naman sa hanggang P1,500 ang singil sa ilang pribadong sasakyan.
Nagpaalala naman si Bonnevie sa mga pasahero na hindi sila sagutin ng mga kolorum kapag nadisgrasya.
"Napakarami naman ng sasakyan talaga, kaya lang po 'yung iba gusto madali, maraming nagmamadali," ani Bonnevie.
Dinala ang mga saskayan sa impound area ng LTFRB sa Magalang, Pampanga.
Kailangan maghintay nang 3 buwan bago mabawi ang mga saskayan sa halagang P200,000.
-- Ulat ni Anjo Bagaoisan, ABS-CBN News
FROM THE ARCHIVES:
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
PatrolPH, Tagalog news, kolorum, pasahero, shuttle service, San Fernando, Pampanga, pasahe, I-ACT, LTFRB, HPG, Teleradyo, Headline Pilipinas