200 pamilya nawalan ng tirahan sa sunog sa Las Piñas

ABS-CBN News

Posted at Jan 14 2020 11:47 AM | Updated as of Jan 14 2020 03:53 PM

Kuha ni Bayan Patroller Marie David

MAYNILA (UPDATE) - Nasa 200 pamilya ang nawalan ng bahay matapos tamaan ng sunog ang isang residential area sa Las Piñas City nitong Martes, ayon sa awtoridad.

Aabot sa 60 bahay ang naabo sa sunog sa may Barangay Almanza Uno, na nag-umpisa bago mag-alas-10 ng umaga at naapula matapos ang halos 2 oras, ayon sa fire marshal na si Supt. Arthur Sawate.

Umabot sa ikatlong alarma ang sunog na mabilis umanong kumalat dahil pawang gawa sa light materials o kahoy ang mga bahay sa lugar.

Wala namang nasaktan sa sunog, na hinihinalang nag-umpisa sa electrical overload mula sa bahay ng isang nagngangalang Loreto.

Nangako naman ang pamahalaang lungsod ng Las Piñas ng ayuda sa mga nasunugang pamilya.

Ayon kay Las Piñas Mayor Imelda Aguilar, bukod sa relief goods, magbibigay din ang pamahalaang lungsod ng pagkain at mga tent bilang pansamantalang matutuluyan ng mga nasunugan. 

-- Ulat ni Henry Atuelan, ABS-CBN News

Kuha ni Bayan Patroller Marie David
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.