P102,000 halaga ng 'shabu' nasamsam, 3 suspek huli sa QC drug bust

ABS-CBN News

Posted at Jan 14 2020 03:45 PM

Aabot sa P102,000 halaga ng hinihinalang shabu ang nakumpiska ng mga awtoridad sa 3 suspek na naaresto sa buy-bust operation sa Quezon City noong Lunes.

Sa ulat mula sa National Capital Region Police Office (NCRPO), kinilala ang mga suspek bilang sina Carolina Romero, Alberto Abiva, at Dexter Barbosa.

Naaresto ang mga suspek matapos bentahan ni Romero, alyas "Bebang," ng hinihinalang shabu ang isang pulis na nagpanggap na buyer bandang alas-3 ng hapon sa may Barangay Baesa, ayon sa ulat.

Kasamang nahuli ni Romero ang kaniyang kinakasamang si Abiva at parokyanong si Barbosa, ayon sa pulisya.

Nakuha sa mga suspek ang 6 sachet ng hinihinalang shabu na may bigat na 15 gramo, sabi ng pulisya.

Mahaharap umano sa kasong paglabag sa Republic Act No. 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang mga suspek.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.