Food packs hatid sa Taal evacuees sa Lipa City

ABS-CBN News

Posted at Jan 14 2020 03:56 PM | Updated as of Jan 14 2020 07:20 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Daan-daang taong lumikas mula sa pag-alboroto ng bulkang Taal ang nahatiran ng tulong ng ABS-CBN Lingkod Kapamilya Foundation sa evacuation centers sa Lipa City, Batangas.

Halos 2,000 ang bilang ng evacuees na nasa Lipa mula sa mga bayang nakapaligid sa Taal Lake gaya ng Agoncillo, Balete, Lemery, Taal, at Talisay.

Sa pagsuyod ng Lingkod Kapamilya, nahatiran noong Lunes at ngayong Martes ng food packs na may kasamang bigas at mga de-lata ang mga evacuee, kabilang iyong mga nasa Santo Torribio Elementary School at Banay-Banay Elementary School, na 2 sa 3 malalaking evacuation center ng lungsod.

Bukod sa pamamahagi rin ng food pack, nagsagawa rin ang Lingkod Kapamilya ng soup kitchen kung saan pinakain din nila ang mga evacuee ng sopas.

Patuloy ang pag-ikot ng Lingkod Kapamilya sa mga evacuation center sa lungsod.

Naabutan din ng tulong ng pamahalaang lokal ng Lipa ang mga evacuee mula sa donasyon ng mga katuwang na business group.

Katuwang din ng local government ng Lipa ang mga organisasyon at pribadong grupo sa paghahatid ng kahon-kahong tubig, diapers, mga damit, at gamot sa mga evacuee na walang nabitbit na mga gamit nang lumikas.

Tuloy pa rin ngayong Martes ang pag-alboroto ng bulkang Taal, na nag-umpisa noong Linggo.

Nakita na rin ng Phivolcs ang butas sa main crater na naglalabas ng lava.

Patuloy rin ang pagtala ng mga lindol sa mga lugar malapit sa bulkan, na senyales ng aktibidad ng magma.

Pinangangambahan pa rin ng mga awtoridad ang posibilidad ng pagkakaroon ng malakas na pagsabog sa mga susunod na oras o araw.

-- Ulat ni Jonathan Magistrado, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.