Duterte, iniutos ang pagtatayo ng matitibay na evacuation centers

Joyce Balancio, ABS-CBN News

Posted at Jan 14 2020 10:38 PM

Nais ni Pangulong Rodrigo Duterte na bago matapos ang kaniyang termino ay makapagtayo ng mga matitibay na evacuation center.

Sa situation briefing sa Batangas Provincial Sports Complex, iniutos ni Duterte na unahin ang mga lugar na madalas tamaan ng mga sakuna pati na iyong mga malapit sa Pacific Ocean.

Partikular na binanggit ng Pangulo ang mga lalawigan ng Samar, Isabela, Leyte at Cagayan.

Kung may pondo naman aniya ito sa General Appropriations Act ay dapat maitayo na ang mga ito

Pinatitiyak ng pangulo na matatapos ito bago matapos ang kaniyang termino dahil ayaw niyang may mamanahing hindi tapos na proyekto ang susunod na administrasyon

Samantala, tila pabiro namang pinayuhan ng Pangulo ang lokal na pamahalaan ng lalawigan na gamitan ng mga sinaunang paraan ang pag-iwas sa sakuna

Ayon kay Duterte, bakit hindi umano dasalan ang bulkan, o kaya'y mag-alay dito, gaya ng mga ginagawa ng mga ninuno noon.

Tiniyak naman ng Pangulo na tutulong ang national government sa pagbangon ng lalawigan ng Batangas.

Inirekomenda naman ni Defense Secretary Delfin Lorenzana na ideklarang “no man’s land” ang Taal para matiyak na walang babalik na mga residente sa mga maituturing na danger zones.

Tiniyak naman ni Department of Budget and Management Sec. Wendel Avisado kay Duterte na may sapat na pondo ang lalawigan para sa pangangailangan nito.

Kasunod nito, iniutos ng Pangulo sa kalihim na paikliin sa dalawa hanggang tatlong araw lang ang proseso ng paglalabas ng pondo lalo na kung kailangang kailangan na ito.

Samantala, tinawag rin ni Duterte ang Batangas bilang isa sa mga lugar na aniya’y talamak rin ang bentahan ng droga.

Nagbabala ang Pangulo na tigilan na ito, sabay pabiro ring ginamit ang salitang “stop” gaya ng pagkakasabi ni Pastor Apollo Quiboloy.

Muli ring binanggit ni Duterte ang pagkabahala niya sa mga kaso ng rape-slay sa Quezon province.