Diaper, bra puwedeng gamiting alternatibong face mask: Health official

ABS-CBN News

Posted at Jan 14 2020 01:55 PM | Updated as of Jan 14 2020 04:05 PM

(UPDATE) Puwedeng gamitin ang diaper at bra bilang alternatibo sa face mask na magsisilbing proteksiyon sa volcanic ash na ibinubuga ng bulkang Taal, sabi ngayong Martes ng opisyal mula sa Department of Health (DOH).

Sa harap ng kakulangan sa face mask, partikular ng N95 mask, puwedeng gumamit ng basang diaper o bra basta matiyak na natatakpan ng mga ito ang ilong at bibig, ayon kay Health Assistant Secretary Maria Laxamana.

Puwede rin daw gumamit ng regular na surgical mask basta may basang panyo sa loob.

"Puwede niyo pong gawin, basa-basain nang kaunti siya para hindi ma-suffocate," ani Laxamana.

Ayon kay Lacsamana, nangangalap pa ang DOH ng supply ng mask, na ipamamahagi sa mga pinakaapektado ng pag-alboroto ng bulkang Taal.

Nagkaubusan umano ng suplay ng face mask dahil sa pag-hoard ng mga mamimili nitong mga nagdaang araw.

Iginiit din ni Lacsamana na hindi naman kailangang mag-mask ang mga taga-Metro Manila at Central Luzon dahil maayos pa rin naman ang kalidad ng hangin doon.

"'Yong N95 talaga, it is really prescribed doon sa mga area na within the 14-kilometer radius," aniya.

"Huwag na tayong mag-panic, wag na muna tayong mag-N95 sa Metro Manila, ibigay muna natin sa mga kababayan dito sa areas ng Batangas at Cavite," dagdag niya.

-- Ulat nina Joyce Balancio at Pia Gutierrez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.