Alkalde sa Batangas, kumambyo tungkol sa aksidente umano sa Agoncillo

Andrew Bernardo, ABS-CBN News

Posted at Jan 14 2020 09:54 PM

Kumambyo si Balete, Batangas Mayor Wilson Maralit sa naunang pahayag na mayroong mga residente ng kaniyang bayan na naaksidente habang lumilikas sa pagputok ng Bulkang Taal.

Nauna nang kumalat ang balitang may 21 pasahero ang sakay ng isang jeep na naaksidente sa isang barangay sa bayan ng Agoncillo sa Batangas sa kasagsagan ng pagputok ng bulkan noong Linggo.

Sa unang panayam sa telepono, kinumpirma ni Maralit sa ABS-CBN News ang balita. Aniya, karamihan sa mga sakay ng jeep ay mga residente ng Balete at nagtatrabaho sa Agoncillo.

"Ang masakit lang pong latest news ay ako po ay mga kababayan sa Agoncillo sila po ay lilikas, sila ay kasalukuyang bumabagtas sa Barangay Barigon, Agoncillo ay nahulog po sa bangin," ani Maralit.

Tinawagan ng ABS-CBN News ang Agoncillo Police para sa karagdagang impormasyon, at ayon sa kanila, agad nilang hinanap sa lugar ang nasabing jeep pero walang nakita dahil na rin madilim at maputik sa lugar.

"Hindi pa ho kami makasagot dahil hindi pa makita ang tao dahil madilim, malayo rin po kasi doon, Barangay Barigon po yun bababa kasi sila," paliwanag ni Patrolman Alvin de Leon.

Itinuloy ng awtoridad nitong Lunes ang paghahanap sa umano'y naaksidenteng jeep. Nagpalipad rin sila ng drone sa buong lugar ngunit wala pa rin silang nakita.

Dahil dito, pinabulaanan ni Agoncillo Mayor Daniel Reyes ang nasabing aksidente.

"Wala po yun, 'di naman po namin na-confirm at ni isa po ay wala namang nagreport sa amin, baka may mga tao na namang walang magawa sa buhay," aniya.

Kumambyo na rin sa naunang pahayag si Maralit. Paliwanag niya, nakuha niya ang impormasyon mula sa isang kababayan sa Balete.

"Naku yun po pala ay fake news. Wala po palang katotohanan. 'Yun pong ating kababayan na kapatid ng nagmamaneho ng jeep, hindi macontact nagdala ng mga evacuues. May nakapagbalita na nahulog sa ganun, nadulas lang pala pero nakaalis din," ani Maralit.

Ayon naman sa pulisya, kumalat ang balitang ito dahil sa ipinost sa social media na agad ring na-share sa iba.

Muli rin silang nagpaalala na maging responsable ang lahat sa pagpost at pag-share lalo na nang mga ganitong klaseng impormasyon.

"Huwag pong magpost ng kung ano ano kasi nababahala yung pamahalaang bayan, kung totoo, okay lang kasi hinanap namin nang hinanap, wala naman po," dagdag ni De Leon.

Ayon kay Maralit, kasalukuyang nasa evacuation center na ang mga residenteng napaulat na naaksidente.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.