3 nangako sa mga negosyante ng 'Build, Build, Build' projects arestado

ABS-CBN News

Posted at Jan 14 2020 06:04 PM

Tatlong tao ang inaresto ng National Bureau of Investigation (NBI) dahil sa umano ay modus na paghingi ng pera sa mga negosyante sa pangakong kaya nilang i-award ang mga "Build, Build, Build" project ng National Housing Authority (NHA).

Sa isang restoran ikinasa ng NBI Anti-Organized and Transnational Crimes Division ang entrapment operation laban sa suspek na si Enriquito Dizon at 2 niyang kasamahan.

Sa operasyon, tinanggap umano ng grupo ang P3 milyon, na umano ay advanced payment na hiningi ni Dizon para mapunta sa negosyante ang isa umanong project ng NHA.

Ayon sa biktimang si alyas "RJ," nagpakilalang consultant ng NHA si Dizon at sinabing may impluwensiya siya sa gobyerno para mapunta ang mga kontrata ng "Build, Build, Build" project sa mga may kayang magbigay ng lagay.

Pero nagduda si "RJ" sa alok ni Dizon.

Ayon kay NHA General Manager Marcelino Escalda, dati na nilang tinangkang arestuhin si Dizon dahil sa iba pa niyang mga niloko.

Itinanggi naman ni Dizon ang lahat ng mga paratang.

Ikinulong ang mga suspek sa kasong estafa.

-- Ulat ni Niko Baua, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.