'Swimming sa Manila Bay, puwede na sa Disyembre'

ABS-CBN News

Posted at Jan 14 2019 08:29 PM

Mga batang naglalaro sa breakwater ng Manila Bay sa may Roxas Boulevard. Mike Alquinto, ABS-CBN News

Maaari nang pagliguan ang ilang bahagi ng Manila Bay sa Disyembre 2019, sabi ni Environment Undersecretary Sherwin Rigor.

Sa ngayon, hindi pa ligtas ang pagligo sa Manila Bay dahil sa mataas na nibel ng bakteryang fecal coliform.

Watch more in iWant or TFC.tv

Pero, ani Rigor, pagsapit ng Disyembre ay may parte na raw na ligtas pagliguan kasunod ng pag-arangkada ngayong Enero ng rehabilitasyon ng Manila Bay.

Noong nakaraang linggo, ininspeksiyon na ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang ilang establisimyento na nakapuwesot malapit sa Manila Bay at sa mga ilog at esterong konektado rito para matukoy kung sino ang nagtatapon ng maruming tubig.

Nakatakda namang ilunsad sa Enero 27 ang rehabilitasyon sa pangunguna ng DENR na nahahati sa tatlong phase o bahagi at inaasahang tatagal ng ilang taon.

Kakausapin din ng gobyerno ang mga residente sa Baseco area, Estero de Abad, at parte ng Barangay Santo Niño para sa kanilang relokasyon na bahagi ng rehabilitasyon.

Samantala, nagpahayag din ng pagtutol ang DENR sa reclamation project ng Manila at Pasay dahil magiging sagabal daw ito sa rehabilitasyon ng Manila Bay.

Pero ayon kay Rigor, si Pangulong Rodrigo Duterte lang ang makakapagdesisyon ukol sa reclamation project.

Watch more in iWant or TFC.tv

'MAPAPALAKAS ANG TURISMO SA MAYNILA'

Nagpahayag naman ng suporta sa rehabilitasyon ang Tourism Congress of the Philippines (TCP).

Ayon sa grupo, mas mapapalakas ang turismo sa Maynila kapag nalinis ang Manila Bay.

"'Pag naayos 'yan, ang magiging effect niyan sa tourism ay dadami pa iyong puwede naming maialok sa ating mga turista," ani TCP President Jojo Clemente.

Ayon pa kay Clemente, hindi lang daw mga hotel ang dapat silipin ng gobyerno sa rehabilitasyon kundi pati mga komunidad na nakapuwesto sa may dagat sa Maynila, Cavite at Laguna.

"Kami ay nagulat lang dahil at bakit parang hotel na naman ang na-single out. Karamihan din naman ng dumi 'no ay nanggagaling din sa iba't ibang lugar," ani Clemente. --Ulat nina Kori Quintos at Jeff Canoy, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.