P25-M halaga ng shabu, nakumpiska sa buy-bust sa Cebu

Aiza Layague, ABS-CBN News

Posted at Jan 14 2019 10:52 PM

CEBU CITY - Arestado ang isang lalaki sa buy-bust operation sa Cebu City Lunes ng gabi.

Kinilala ang suspek na si Alfred Gabunia. Nakuha mula sa kaniya ang mahigit apat na kilo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P25 milyon.

Ayon kay Cebu City Police Office Director Royina Garma, magdadalawang linggo na rin nilang sinusubaybayan ang mga transaksyon ni Gabunia.

May natanggap umano silang tip na may supply ng droga na papasok sa Cebu City lalo na ngayong tumaas ang demand dito dahil sa Sinulog Festival.

Galing hindi umano sa ibang rehiyon ang supply ni Gabunia na ibinabagsak sa Talisay City upang ipagbenta sa Cebu City.

Umamin ang suspek na kaniya ang ilegal na droga ngunit ayon sa kaniya, napag-utusan lang siyang i-deliver ito sa lugar.

Hindi rin umano niya kilala ang may-ari ng package lalo’t sa cellphone lang sila nag-uusap.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.