NPC, wala pang nakikitang patunay ng passport data breach

ABS-CBN News

Posted at Jan 14 2019 06:09 PM | Updated as of Jan 14 2019 08:18 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

(UPDATED) Wala pang nakikitang patunay ang National Privacy Commission (NPC) na nagkaroon ng data leak o nakompromiso ang impormasyon ng mga passport holder. 

Ito ay matapos sabihin ni Foreign Affairs Secretary Teodoro Locsin Jr. na tinangay umano ng dating passport contractor ng gobyerno ang datos o impormasyon ng mga passport holder matapos ma-terminate ang kanilang kontrata.

Sinabi nitong Lunes ni NPC Commissioner Mon Liboro na sinuyod na ng kanilang forensics team ang "dark web" at wala pang nakikitang ebidensiyang kumalat doon ang datos ng mga passport holder.

"They have been working round-the-clock since this weekend, scouring the dark web, tinitingnan, mayroon ba tayong nakikita na sumingaw ito. Wala pa," ani Liboro.

Kadalasan daw kasing nakakalat ang mga malakihang datos sa "dark web" o iyong bahagi ng Internet na hindi naa-access at hindi nahahanap sa pamamagitan ng search engines.

Nakatakdang makipagpulong ang NPC sa Department of Foreign Affairs (DFA) sa Miyerkoles para talakayin ang isyu at pag-aralan ang kontratang pinasok ng DFA. 

Nagdulot ng pangamba sa mga passport holder ang umano ay pagkakatangay sa kanilang impormasyon.

WALANG DATA BREACH?

Ayon naman sa isang source sa DFA, walang nangyaring data breach.

Hawak pa rin daw ng DFA at government printer na APO Production Unit ang data ng passport holders.

Nagkaroon lang daw ng problema sa paglilipat ng datos mula sa dating French company na Oberthur papuntang APO para sa pag-imprenta sa pasaporte dahil hindi magkatugma ang ginagamit na software.

Sa isang phone interview, sinabi naman ni Michael Dalumpines, chairman ng APO, na walang natangay na datos at walang nangyaring data leak.

Ayo kay Dalumpines, walang "non-compatibility" issue sa sistema ng Oberthur at ng APO, at na-access ng APO ang datos na pinasa sa kanila ng Overthur.

Na-retrieve umano ng APO ang lahat ng datos at "secure" ang luma at bagong datos sa printing plant ng APO sa Lima, Batangas.

BIRTH CERTIFICATE REQUIREMENT, TINUTULAN NG PALASYO

Samantala, tinutulan naman ng Malacañang ang paghingi ng DFA sa birth certificates ng mga passport holder na magre-renew ng kanilang mga travel document kasunod ng sinasabing pagtangay sa datos.

Ayon kay Presidential Spokesperson Salvador Panelo, hindi na dapat mamroblema ang publiko sa pagsumite ulit ng mga orihinal na kopya ng kanilang birth certificate.

Sa halip, sapat na raw dapat sa pag-renew ang pagsumite ng luma o kasalukuyang pasaporte.

"The submission of the old or current passport which the applicant seeks to renew should suffice for the purpose," sabi ni Panelo sa press conference.

Nauna nang sinabi ng DFA na kailangan nilang i-"rebuild" o buoin muli ang kanilang mga rekord para sa mga pasaporte dahil sa pagtangay sa datos.

Ayon kay Foreign Affairs Assistant Secretary Elmer Cato, tanging mga magre-renew lamang ng passport na hindi pa saklaw ng electronic passport noong 2009 ang oobligahing magpasa ng birth certificate. 

Ang mga nagre-renew lamang ng brown, green o maroon machine-readable passports ang kailangang magpasa ng birth certificate.

Watch more in iWant or TFC.tv

DI NABIGYAN NG TAMANG IMPORMASYON?

Inihayag naman ni dating Foreign Affairs Secretary Perfecto Yasay na duda siyang tinangay ng dating contractor ang datos ng DFA.

Sa panayam sa ABS-CBN News Channel, sinabi ni Yasay na posibleng "misinformed" lang si Locsin sa sinasabing passport data breach sa ahensiya.

Hinala pa ni Yasay, nililihis lang ng ilang opisyal ng DFA ang isyu palayo sa umano ay maanomalyang kontrata sa pagitan ng isang pribadong kompanya at kasalukuyang contractor ng DFA.

Pero agad ding tumugon si Locsin sa sinabi ni Yasay at itinangging siya ay "misinformed."

Naghain naman ng resolusyon nitong Lunes si Sen. Risa Hontiveros na layong imbestigahan ang umano ay data breach sa DFA.

Pinakikilos naman ni Sen. Nancy Binay ang Office of the Solicitor General para pag-aralan ang mga kontratang pinasok ng gobyerno para sa data management.

Magsasagawa rin ng sariling imbestigasyon sa isyu ang CyberSecurity Bureau ng Department of Information Technology and Communications. --Ulat nina Jacque Manabat, Willard Cheng, Henry Omaga Diaz, at Pia Gutierrez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.