Magsasaka arestado sa pamamaril sa Isabela

Harris Julio, ABS-CBN News

Posted at Jan 14 2019 12:15 AM

SAN MARIANO, Isabela — Arestado ang 53 anyos na magsasaka sa Barangay San Jose ng bayang ito dahil sa pamamaril nitong Linggo ng hapon.

Sa imbestigasyon, napag-alamang galing sa picnic at pauwi na ang suspek nang mapadaan sa isang bahay.

Sa hindi pa malamang dahilan ay naglabas umano ito ng baril saka nagpaputok pataas.

Pero nang sumunod ay itinutok na umano niya kay Jerry Manalastas Sr. ang baril. Tinamaan ito sa kaliwang hita. 

Napuruhan din nang tumagos na bala ang apat na taong gulang niyang anak. Nagpapagaling ngayon ang mag-ama sa ospital.

Sa kulungan ang bagsak ng suspek matapos mahuli sa follow-up operation.

Napag-alamang nasa impluwensiya ng alkohol ang suspek nang mangyari ang pamamaril.

Mahaharap siya sa reklamong frustated homicide gayundin sa paglabag ng gun ban na ipinatutupad ngayon kaugnay nang nalalapit na halalan.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.