Ginang ginahasa umano ng kainuman ng asawa

Yen Mangompit, ABS-CBN News

Posted at Jan 14 2019 10:50 PM

TAMPAKAN, South Cotabato - Sugatan ang isang babae matapos umanong gahasain at tangkaing patayin ng kainuman ng kaniyang asawa sa mismong bahay nila sa Tampakan, South Cotabato Linggo ng gabi.

Arestado ang suspek na si Sireno Agos, 28 taong gulang.

Batay sa imbestigasyon ng mga pulis, matapos makipag-inuman kasama si Agos at ang dalawa pang kaibigang lalaki, umalis ang asawa ng biktima kasama ang mga kaibigan para mag-videoke sa bahay ng kaniyang ama pero nagpaiwan umano ang suspek dahil papakainin pa umano nito ang alagang hayop.

Ilang oras na ang nakalipas pero hindi na nakasunod ang suspek.

Nagtaka rin umano ang lalaki nang hindi rin agad nakasunod ang asawang si alyas Jenny at dalawa nilang anak.

Pag-uwi ng kanilang bahay, nakita na lamang niyang duguan ang asawang si Jenny sa banyo.

Bago mawalan ng malay, nasabi pa nito sa asawa na ginahasa siya ni Agos kaya agad nadakip ang suspek sa bahay nito.

Inamin ng suspek na tinangka niyang patayin ang biktima pero hindi umano niya ito ginahasa.

Kasalukuyan pang nagpapagaling sa ospital ang biktima habang nahaharap naman sa kasong rape at frustrated murder ang suspek.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.