Babaeng tumanggi sa proposal, tinaga ng manliligaw

Rex Gaitano, ABS-CBN News

Posted at Jan 14 2019 06:09 PM

BUTUAN CITY - Arestado ang isang lalaki matapos tagain ang kaniyang nililigawang babae sa Barangay Maguinda sa lungsod na ito Linggo ng gabi.

Kinilala ang suspek na si Jenny Cojo alyas "Johnny," 46, at isang magsasaka.

Base sa imbestigasyon ng pulisya, biglang pumasok si Cojo sa bahay ng biktimang si Jeany Maputi. Sinasabing nanligaw at nag-propose si Cojo kay Maputi pero hindi siya sinagot ng biktima.

"Accordingly nag-propose na daw 'yung suspek sa biktima na kung pwede daw pakasalan siya and of course wala naman silang relationship, tinanggihan ng biktima ang suspek doon po siya tinaga, doon po nagalit ang suspek," ani Senior Inspector Henry Samillano Jr.

Aminado naman si Cojo na nakainom siya ng alak nang mangyari ang insidente. Nagselos rin umano siya sa textmate ng biktima kaya hindi siya nakatiis at tinaga ang biktima.

Agad dinala sa ospital ang biktima matapos magtamo ng mga sugat sa kamay, braso at likod. Ligtas na ang biktima.

Narekober ng pulisya ang itak na ginamit ng suspek.

Sinampahan na ng kasong frustrated homicide ang suspek na si Cojo.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.