100 bahay sa Obando natupok

ABS-CBN News

Posted at Jan 14 2019 08:39 AM

Watch more in iWantTFC

OBANDO, BULACAN - Nasunog ang nasa 100 bahay sa Barangay Paliwas sa bayan na ito, Linggo.

Walang kuryente sa lugar nang sumiklab ang sunog dakong alas-7 ng gabi kaya naniniwala ang ilang residente na napabayaang kandila ang sanhi ng apoy.

Mabilis anilang kumalat ang sunog sa magkakadikit na bahay na malapit sa palengke at nasa likod lang ng bagong munisipyo.

"Sinubukan namin apulahin, kaso 'pag binuhusan, mas lalo lumalakas yung apoy," sabi ng residenteng si Annie De Jesus.

Halos wala anilang naisalbang gamit ang ilang biktima.

Giit ng mga residente, natagalan bago dumating ang mga bumbero kaya hindi napigilan ang pagkalat ng sunog, bagay na itinanggi ng Bureau of Fire Protection.

Inaalam pa kung magkano ang halaga ng pinsala sa sunog na naapula pasado hatinggabi.

Pansamantala namang nakituloy ang mga nasunugan sa evacuation center sa munisipyo.

Ulat ni Jervis Manahan, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.