Pulis, patay sa pananaksak ng dating pulis sa Caloocan

ABS-CBN News

Posted at Jan 14 2018 04:44 PM | Updated as of Jan 14 2018 10:18 PM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Patay sa pananaksak ang isang pulis sa Caloocan matapos makaalitan ang isang dating pulis dahil umano sa simpleng asaran.

Kinilala ang biktima bilang si Police Officer 2 Joel Samonte na napatay noong Enero 8 matapos undayan ng saksak sa likod at leeg ng suspek na si Manulito Manantad.

Hindi agad nahuli ng mga pulis ang suspek matapos tumakas sa pinangyarihan ng krimen.

Batay sa paunang imbestigasyon ng Caloocan police, nagpapayabangan umano ang dalawa bago nangyari ang alitan.

Nabatid na isang dating pulis ang suspek pero nawala ito sa serbisyo matapos umanong masangkot sa mga kaso ng droga at carnapping.

Dati rin umanong sumuko ang suspek sa Oplan Tokhang.

Nanawagan ang ilang residente sa barangay na tutukan ng pulis ang kanilang lugar at tuluyan nang magpalagay ng mga CCTV camera.

Hustisya naman ang sigaw ng mga kaanak ni Samonte na ama sa apat na anak.

"Kung may konsensiya ka, sumuko ka na," sabi ni Shela Padilla, kinakasama ng biktima.

Nagkasa na ng follow-up operation ang Caloocan police para matugis ang suspek.

Nagbabala naman si Senior Superintendent Jemar Modequillo, hepe ng Caloocan police, sa sinumang kakanlong kay Manantad na pati sila'y madadamay kapag tinulungang magtago ang suspek.

-- Ulat ni Angel Movido, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.