PatrolPH

Suspek sa kasong illegal detention at child abuse, tiklo sa QC

ABS-CBN News

Posted at Jan 13 2023 05:04 AM

MAYNILA — Arestado Biyernes ng hatinggabi sa Quezon City ang isang taong may kinakaharap umanong kaso ng illegal detention at child abuse, ayon sa pulisya.

Nakakulong na sa detention facility ng QCPD Station 14 ang 30-anyos na suspek, na isang transwoman, dahil sa kasong two counts of serious illegal detention at two counts of child abuse. Nahuli ito sa may Tandang Sora Avenue.

Ayon kay Police Capt. Anthony Dacquel, chief of investigation ng Station 14, kalalabas lang ng warrant of arrest para sa suspek.

Nakulong na umano ang suspek noong Nobyembre ng nakaraang taon dahil sa pagkamatay ng isang 7-anyos niyang pamangkin mula sa pambubugbog.

Tumagal pa ang batang biktima ng limang araw sa ospital pero namatay din.

Inakusahan ang suspek ng child abuse dahil pati ang dalawang kapatid na babae ng namatay na biktima ay sinasaktan din umano niya. 

Arestado rin noon ang kinakasamang lalaki ng suspek, na nasampahan ng kasong murder.

Nakalaya ang suspek dahil ayon sa piskalya, "for further investigation" pa ang isinampang kasong murder laban sa kaniya.

Ayon sa pulisya, ang lumabas na arrest warrant kamakailan ay may kinalaman sa unang kaso ng suspek.

Todo tanggi pa rin ang suspek na nagta-trabaho bilang senior stylist sa isang salon sa Quezon City. Ikinabigla niya ang paghuli sa kaniya.

Walang piyansa ang kasong serious illegal detention, habang may P160,000 bail naman para sa two counts of child abuse.

Nasa pangangalaga ng social welfare department ng QC ang dalawang pamangkin na sinasabing biktima nito. — Ulat ni Jose Carretero, ABS-CBN News

KAUGNAY NA BALITA

Watch more News on iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.