PatrolPH

Non-uniformed personnel ng PNP tiklo sa buy-bust sa Camarines Sur

Lyza Aquino, ABS-CBN News

Posted at Jan 13 2022 06:23 AM

Watch more on iWantTFC

Sa kulungan ang bagsak ng isang non-uniformed personnel ng Philippine National Police (PNP) matapos nitong kumagat sa anti-drug operation sa Barangay San Miguel, bayan ng Calabanga, Camarines Sur.

Batay sa paunang ulat mula kay Police Lt. Mary Jean Cuevas ng PNP integrity monitoring and enforcement group, kilala sa alyas Obet ang suspek na nakatalaga sa Magaraw Municipal Police Station. 

Nagkasa sila ng operasyon laban sa suspek matapos siyang ikanta ng iba pang drug suspects na nauna nang nahuli ng pulisya.

Gamit ang P15,000 ay nakipagtransakyon ang mga pulis sa suspek.

Nang siya ay arestuhin ay nakumpiska sa kaniya ang 4 na sachet ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P47,500.

Mahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 ang mga suspek.

Muling paalala ng PNP sa publiko na huwag mag-atubiling tumawag o mag-message sa kanila kung may nais ireport na mga tiwaling miyembro ng PNP.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.