PatrolPH

Higit 85pct ng target population sa Imus, fully vaccinated na kontra COVID - mayor

Michael Delizo, ABS-CBN News

Posted at Jan 13 2022 01:34 PM

CAVITE – Inanunsyo ni Imus City Mayor Emmanuel Maliksi na nakamit na ng lungsod ang herd immunity sa COVID-19 matapos mabakunahan ang higit 80 porsyento ng target population.

Ayon kay Maliksi, umabot na sa 288,348, na katumbas ng 85.36 porsyento ng target population, ang nakakumpleto ng bakuna, habang may 294,763 o 87.26 porsyento na nakatanggap ng first dose, mula noong Martes.

Mayroon pang 44,605 na nabigyan ng booster shot para sa kabuuang 627,716 kabuoang doses ng bakuna na naipamahagi.

“Bunga ng ating pagbubuklod-buklod ay matagumpay nating nakamit ang herd immunity dito sa ating lungsod,” ani Maliksi.

Kasunod nito, pormal na ring binuksan ng Imus ang pagbabakuna sa mga residente sa kalapit na bayan at lungsod.

“[T]uloy ang ating pinalawak na vaccination campaign para mailapit sa mas marami pa ang proteksyon ng bakuna,” ani Maliksi.

Ilang mga bayan sa Cavite ang pansamantalang itinigil ang COVID-19 immunization sa kabila ng mataas na bilang ng mga tinatamaan ng virus sa mga miyembro ng vaccination team. Ilan na rito ang bayan ng Cavite, Tanza, General Trias at Alfonso.

Nauna nang sinabi ni Cavite Governor Jonvic Remulla na tutol siya na i-lockdown ang buong probinsya sa gitna ng dumaraming kaso ng COVID-19 dito at sa buong bansa.

Sumirit muli ang mga kaso ng COVID-19 sa bansa matapos ang Kapaskuhan. Nitong Miyerkoles, nakapagtala ang DOH ng higit 32,000 na bagong kaso -- ang pangalawang pinakamataas na naitala sa kada araw. 

PANOORIN 

Watch more on iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.