PatrolPH

2 lalaki arestado sa snatching sa Maynila, Caloocan

ABS-CBN News

Posted at Jan 13 2022 12:14 PM | Updated as of Jan 13 2022 12:55 PM

Watch more on iWantTFC

Arestado ang 2 lalaki sa magkahiwalay na insidente ng panghahablot ng cellphone sa Maynila at Caloocan City.

Sa Maynila, nahuli gabi ng Miyerkoles ang 27 anyos na si Abelardo Cortez Jr. matapos manghablot ng cellphone ng isang saleslady na pauwi na sana sa Quezon City, ayon sa pulisya.

Ayon sa imbestigador na si Police Cpl. Aaron Jay Torres, nakulong na si Cortez noong 2014 dahil sa pagdadala umano ng patalim, at noong 2016 dahil umano sa ilegal na droga.

Narekober sa suspek ang cellphone na nagkakahalagang P10,000.

Sa Caloocan, natimbog naman ang isang binatilyong nanghablot ng cellphone ng pasahero sa Monumento Station ng EDSA Carousel Busway.

Ayon sa 18 anyos na babaeng biktima, nakapila siya nang hablutin ang gadget.

Agad hinabol ng marshall ng Inter-Agency Council for Traffic ang suspek at naibalik ang cellphone.

Ayon sa suspek, nagawa niya ang krimen dahil nasa ospital ang kaniyang lola at kailangan niya ng panggatos.

Kasong pagnanakaw ang isasampa sa dalawang nahuling snatcher.

— Ulat nina Lady Vicencio at Nico Bagsic, ABS-CBN News

RELATED VIDEO

Watch more on iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.