2 bayan sa Cavite, pansamantalang itinigil ang pagbabakuna

Michael Joe Delizo, ABS-CBN News

Posted at Jan 13 2022 12:06 PM

CAVITE – Pansamantalang inihinto ang pagbabakuna kontra COVID-19 sa bayan ng Tanza dahil sa pagdami ng mga medical worker na nagpopositibo sa virus.

Ayon kay Tanza Mayor Yuri Pacumio, hindi na matutuloy ang pagbabakuna sa mga may schedule ngayong linggo.

Magpapatuloy ang pagbabakuna sa susunod na linggo sa Felipe Calderon Elementary School, pero para lang sa mga pinadalhan ng kumpirmasyon ng schedule sa pamamagitan ng text message.

Wala namang ibibigay na booster shot hanggang sa susunod na linggo para bigyang prayoridad ang mga wala pa o hindi pa nakakakumpleto ng bakuna.

Samantala, isinara din ang mga tanggapan sa munisipyo simula nitong Huwebes, at sa Lunes na magbabalik-operasyon.

Umabot na sa 147,940 ang mga naka-kumpleto ng bakuna sa Tanza, na katumbas ng 79.96 porsyento ng target population na 185,000.

Samantala, nagsara din nitong Huwebes ang municipal hall ng Alfonso, at pansamantalang inihinto ang pagbabakuna habang tinitiyak na negatibo sa COVID-19 ang mga kawani ng pamahalaan.

Maging ang tanggapan ng Cavite provincial capitol ay magpapatupad ng work-from-home arrangement sa mga empleyado dahil sa pagdami ng mga kaso ng COVID-19.

Una na ring inihinto ang pagbabakuna sa bayan ng General Trias sa nasabing lalawigan matapos magkasakit ang maraming miyembro ng vaccination team.

Watch more on iWantTFC