PatrolPH

Medical experts sumagot kung dapat bang maging choosy sa bakuna

ABS-CBN News

Posted at Jan 13 2021 06:02 PM


MAYNILA – Umani na ng sari-saring reaksiyon ang pahayag ni Presidential Spokesman Harry Roque noong Lunes kung saan sinabi nitong hindi na dapat maging pihikan ang Pinoy sa brand ng COVID-19 vaccine na ituturok sa kanila. 

Puna ng netizens, pera ng taumbayan ang gagastusin at kalusugan nila ang nakataya kaya may karapatan umano sila na maging "choosy" sa bakuna. 

Pati ang ilang health experts, may kaniya-kaniyang opinyon ukol sa isyu. 

Para kay Dr. Maricar Limpin, vice president ng Philippine College of Physicians, bilang doktor, unang titingnan nila ay kung may scientific evidence sa ituturok na bakuna. 

Hindi umano puwedeng kung ano lang ang sabihin ay tatanggapin na.

Ibig sabihin, donasyon man o bibilhin ng gobyerno, kailangang aprubado ang bakuna ng Food and Drug Administration (FDA).

Pagtitiyak niya, basta't may basbas ng FDA ay siguradong nasuri na ito nang mabuti. 

Sabi naman ng infectious disease expert na si Dr. Rontgene Solante, walang opsiyong mamili ang Pinoy dahil gobyerno ang magbibigay ng bakuna at tiyak naman aniyang ligtas at epektibo ito. 

Si Dr. Lulu Bravo naman, executive director ng Philippine Foundation for Vaccination, muling iginigiit na dapat magtiwala at maniwala sa kung ano ang sasabihin ng mga eksperto o ng FDA.

Nagkakaisa naman ang 3 doktor sa paniwalang hindi ikokompromiso ng mga eksperto ang mga Pilipino pagdating sa usapin ng bakuna.

RELATED VIDEO:

Watch more on iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.