Lalaking supplier umano ng party drugs, arestado sa QC

ABS-CBN News

Posted at Jan 13 2021 10:51 PM

MAYNILA — Timbog sa buy-bust operation ng Quezon City Police District Station 10 at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang isang lalaking supplier umano ng party drugs. 

Sa video na kuha ng PDEA, nakitang pinagbentahan ng suspek na si Jun Cabaya ang ahente ng PDEA sa loob ng isang sasakyan sa Quezon City. 

May nirerekomenda pa umano ang suspek na isa pang supplier ng party drugs. 

Nang maibigay na ang droga, at abutin ang pera na bayad para dito, agad pinasok ng isa pang taga PDEA ang sasakyan at saka inaresto ang suspek.

Tinatayang nasa P170,000 ang halaga ng hinihinalang party drugs na liquid ecstasy, at ecstasy tables at capsules na nakuha mula sa suspek. 

“Naka-receive po kasi tayo ng isang sumbong… tungkol sa mga nauuso na naman ngayon na in-house parties at nag-transact tayo ng buy-bust operations sa isa sa mga source ng party drugs na ginagamit sa in-house parties na ito,” ani PDEA team leader Jeffrey Baguidudol. 

Ayon naman sa Philippine National Police (PNP), patuloy ang monitoring nila sa Quezon City lalo na maraming mga establisimyento ang nagbukas na ngayong general community quarantine gaya ng mga bar. 

“Dahil nga po sa nangyari na iyan, may na-discover nga po na ganito na area ko. Lalo na po dito sa kahabaan ng Timog, mayroong mga bar tayo. Kami pong PNP maghihigpit po sa mga bar na iyan,” paliwanag naman ni Police Lt. Ralph Lauren Portea, commander ng police community precinct sa South Triangle.

May paalala rin ang PNP sa mga bumibili ng droga. 

“Huwag nilang tangkilikin kasi alam natin na bawal iyan, at nakakamatay din kapag nasobrahan. Once mahuli kayo wala na kasi alam natin na bawal iyan,” ani Portea.

Nakatakdang kasuhan ang suspek ng paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

— Joyce Balancio, ABS-CBN News