Hindi nagtapos ang pangarap ng lumad na si Jeoffrey Mambucon para sa kaniyang tribo nang maging ganap na nurse siya. Noong Hunyo 2020, nakapagtapos si Mambucon sa kursong medisina sa De La Salle Medical and Health Sciences Institute sa Dasmariñas, Cavite. Larawan mula sa Facebook page ni Vice President Leni Robredo
MAYNILA - Hindi naging hadlang ang kahirapan at mga pagsubok sa buhay para sa isang lumad mula sa Tigwahanon-Manobo Tribe para magtagumpay.
Sa Facebook page ni Vice President Leni Robredo, ipinagmalaki ng pangalawang pangulo ng bansa ang tagumpay na naabot ni Jeoffrey Mambucon na kauna-unahang miyembro ng kanilang tribo na nakapagtapos bilang Doctor of Medicine sa kabila ng mga hamon sa buhay.
Ayon sa post ni Robredo nitong Martes, sinubok si Mambucon ng panahon mula pa lamang ng pagkabata dahil sa kahirapan at diskriminasyon sa pagiging isang kasapi ng indigenous peoples.
“Magkaroon ng kumpiyansa sa sarili at maging matapang sa laban ng buhay. Sabihan niyo man kami na wala kaming maaabot sa buhay, binu-bully niyo man kami. Sabihin niyo na ang gusto niyong sabihin. Gawin nating inspirasyon lahat ng sakit at hinanakit. Hindi lang sa tribo, tayong lahat. Nasa atin kung paano natin tatanggapin,“ tugon ni Mambucon.
Unang nakapagtapos si Mambucon ng kursong nursing sa University of Mindanao sa Davao City at pumasa sa board exam noong 2010. Siya ang unang naging nurse sa kanilag tribo.
Nagsilbi siya bilang nurse taong 2011 hanggang 2015 sa Bukidnon Provincial Hospital sa kanilang bayan sa San Fernando, Bukidnon.
Pero hindi dito nagtatapos ang pagnanais ni Mambucon na mapabuti pa ang paninilbihan sa kapuwa, lalo na sa kaniyang mga katribo.
Muling nag-aral si Mambucon at nakapagtapos ng kursong medisina sa De La Salle Medical and Health Sciences Institute sa Dasmariñas, Cavite noong Hunyo 2020.
Sa bagong landas na tinahak niya, nais ni Mambucon na makalahok sa Doctors to the Barrios Program. Hangad din niyang madestino sa kaniyang bayan para matulungan pa ang kaniyang tribo.
"Ang taong puno ng determinasyon at kumpiyansa sa sarili, malayo ang mararating. Iyan ang pinatunayan ni Joeffrey," sabi ni Robredo.
Lumad, Jeoffrey Mambucon, Indigenous Peoples, Tigwahanon Manobo tribe, Vice President Leni Robredo, regions, regional news