PatrolPH

DOH nagbigay ng tips para maiwasang magkasakit ngayong taglamig

ABS-CBN News

Posted at Jan 13 2021 06:31 PM | Updated as of Jan 13 2021 07:55 PM

DOH nagbigay ng tips para maiwasang magkasakit ngayong taglamig 1
Mga pedestrian sa Maynila na nakasuot ng mask noong Pebrero 5, 2020. Jonathan Cellona, ABS-CBN News

Marami ang hirap bumangon sa umaga dahil sa malamig na panahong dulot ng hanging amihan.

Nitong Miyerkoles, naitala ng PAGASA ang 20.6 degrees Celsius sa Quezon City, ang pinakamalamig na temperaturang naitala sa Metro Manila mula nang magsimula ang amihan season.

Dahil dito, nagpaalala ang Department of Health sa mga sakit na maaaring makuha tuwing taglamig.

Kabilang dito ang sipon, ubo, trangkaso, tigdas, at bulutong.

"Ito 'yong panahon na kumakalat sila, so kung hindi bakunado 'yung bata, maaari siyang magkaroon ng tigdas," ani Dr. Eric Tayag, direktor ng Knowledge Management and Information Technology Service ng DOH.

Upang maiwasang magkasakit, payo ng DOH ang mga sumusunod:

  • Magsuot ng makapal na damit
  • Iwasang magtagal sa labas o magpagabi, lalo na sa mga may edad
  • Bawasan ang pag-inom ng kape at alak

"Ang pag-inom ng kape o alak ay maaaring maging sanhi ng dehydration," paliwanag ni Tayag.

Watch more on iWantTFC

Ngunit ngayong nasa gitna ng COVID-19 pandemic, paano malalaman kung ang nararamdaman ay ordinaryong sakit o sintomas ng COVID-19?

Ayon sa DOH, dapat alamin kung na-expose sa maraming tao o hindi nakasunod sa health and safety protocols.

"So pag-uwi mo, bilangin mo 'yong araw na ganoon nangyari, 'pag nagkaroon ka ng sintomas, suspetsa kang COVID-19 'yan, lalo na kung nalaman mo na maaari kang na-expose sa isang kumpirmadong kaso," ani Tayag. 

Ayon sa PAGASA, magpapatuloy ang malamig na panahon hanggang Pebrero. 

Kaya nagpaalala ang mga eksperto na palakasin ang katawan at mag-ehersisyo upang lumakas ang resistensiya laban sa ano mang sakit.

-- Ulat ni Jeffrey Hernaez, ABS-CBN News

FROM THE ARCHIVES:

Watch more on iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.