Container van, sumiklab sa NLEX Harbour link

Lyza Aquino, ABS-CBN News

Posted at Jan 13 2021 05:50 AM

MAYNILA - Nagliyab ang isang 18-wheeler container van sa NLEX Harbour link sa Caloocan Miyerkoles ng madaling araw.

Kwento ng driver ng 18-wheeler na si Leo Florentino, galing sila ng Pasig at papunta sana ng pier sa Tondo, Maynila para magdeliver ng mga tansan.

Binabaybay nila ang NLEX Harbour link nang biglang sumabog ang likurang gulong ng truck. Nagulat na lamang sila nang bigla ring magliyab ang likuran ng sasakyan.

 

Ayon kay Fire Inspector Elyzer Leal ng Caloocan BFP, may fire extinguisher sa container van pero hindi na ito nagamit ng driver dahil sa sobrang bilis ng pagkalat ng apoy sa ibang bahagi ng sasakyan.

Naapula ang sunog ng mag-aalas dos kaninang madaling araw. 

Hindi naman nasugatan si Florentino at kanyang pahinante na si JM Saligumba, habang naipaalam na rin nila sa may-ari ng container van ang nangyari.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.